Live or die. Make your choice. Let the game begin.

               Alas singko y medya ng hapon, saktong natapos ang Saw 7. Sa wakas natapos din ang Saw 1-7 movie marathon ko, makaligo na nga, sabi ko. Io-off ko na sana ang laptop nang biglang pumasok sa utak ko yun pinapanood ko ilan araw na mula ngayon.
                Napatanong tuloy ako sa sarili ko, sa kabila ng mga brutal na eksena may natutunan ba ako sa pelikula? Sa kabila ng mga makapigil hiningang parte, may tumatak ba sa utak ko? Isip. Isip. Puro naman patayan yun e, sabi ko. Bigla para kong high school student ulit, ano ‘to movie review? Napangiti ako. Bandang huli, binalikan ko din ang pelikula.
                Bakit ba nagaganap ang pagpatay sa movie? Paano ba nakakapili ng biktima ang killer? Anong aral ba ang gustong iparating ni Jigsaw sa mga viewer?
                Cherish your life, sabi ng dugong nakasulat sa pader. Eksena yun sa Saw 4 kung saan nakita nila Detective Rigg yun katawan ni Detective Kerry na nakabitin at wasak ang ribs. Teka teka, bakit ko kinikwento? Okay okay, balik tayo sa nakasulat sa pader.
                Cherish your life. Tatlong salita, labing limang letra. Maiksi kung bibigkasin, mabilis lang kung babasahin. Pero kung iisa isahin, malalim din kung tutuusin. At kung titingnan mo ulit, cherish your life, simple pero sadyang makabuluhan din.
                Pahalagahan ang buhay, yun ang gustong ibigay na aral ni John Kramer sa mga nagiging tagalaro ng munting game na ginagawa niya. Gusto niyang marealize ng mga ito na hindi dapat inaaksaya ang mga bagay na mayroon ka sa buhay mo. Naisip ko, nagagawa ko ba yun ngayon sa sarili ko?
                Marahil hindi, marahil oo. Pwedeng sobra pa, pero pwede rin hindi gaano. Hindi. Hindi kasi alam ko sa sarili ko marami akong inaksayang panahon sa buhay ko. Maraming panahon ang nasayang ko sa mga bagay na hindi naman talaga makakatulong sa pagunlad ng sarili ko. Maraming mga pagkakataon sa buhay ko na nagkamali ako at hindi natuto. Oo. Oo kasi sa kabila ng lahat ng mga pagkakataong pinalagpas ko, sa kabila ng mga panahong nasayang ko, at sa kabila ng mga pagkakamali ko, alam ko sa sarili ko na may mga tamang ginawa din ako. May mga bagay na nagawa ako para ipagmalaki ako ng pamilya ko at ng mga kaibigan ko. May mga panahon napasaya ko ang  sarili ko at nagbigay saya din ako sa ibang tao. May mga pagkakataong nakatulong ako at naibahagi ko ang munting nalalaman ko kahit sa mga estrangherong tao.
                Pwedeng sobra pa. Bakit ko ba nasabi yun? Marahil dahil nagagawa kong i-enjoy ang buhay ko sa kabila ng mga insecurities ko, sa kabila ng mga limitasyon ko sa sarili ko, sa kabila ng mga kakulangan gayundin ng mga pagaalinlangan ko. Nagagawa ko yun mga bagay na marahil makasarili man matatawag, pero nagbibigay naman sa akin ng tunay na kasiyahan. Pwedeng hindi rin gaano. Bakit? Kasi sa kabila ng mga mayroon ako sa buhay, nagagawa kong sayangin ang mga bagay na yun, hindi makuntento at maghangad pa ng ibang gusto. Sa kabila ng mga taong nagmamahal sa akin, nagagawa ko pa din silang kalimutan at maghanap ng pagmamahal sa ibang bagay. Sa kabila ng mga taong nagpapasaya sa akin, nagagawa ko pa din maging malungkot at talikuran sila. Sa kabila ng mga naniniwala sa akin, nagagawa kong magalinlangan sa sarili ko at di sila paniwalaan.
                Gusto kong sabihin, marahil normal naman ‘tong pinagdadaan ko. Gusto kong  isipin, marahil hindi lang ako ang dumadaan sa ganitong pagkakataon. At kung mayroon man akong gustong isabuhay sa ngayon, yun ay walang iba kundi ang sinabi ng dugong nakasulat sa pader.
                Tama ka, cherish my life. Cherish my life to the extent na mas kilalanin at mahalin muna ang sarili ko bago ko magawang ipagkatiwala ‘to mat magmahal sa ibang tao. Cherish my life to the extent na gumawa lang ako ng makakabuti para sa sarili ko at sa ibang tao at hindi sa ikasasama nito. Cherish my life to the extent na maging postibo ako sa kabila ng mga pinagdadaanan ko at alisin ang negatibong enerhiya sa paligid ko. Sabi nga ni Marcy sa inuman kagabi, corny man banggitin at baduy man pakinggan ang salitang soul searching, walang duda yun ang kailangan kong gawin.
                Sino ba talaga ang tunay na ako? Sino ba talaga ang totoong Zara na kilala nyo? Sino ba talaga ang maliit na babaing ‘to at napasok siya sa kumplikadong buhay na ‘to? Anong purpose ko at sa ganitong sitwasyon ako nilagay ng pagkakataon? Sinong tao, anong bagay o sa paanong pagkakataon ko matatagpuan ang tunay na kasiyahan hinahanap ko? Anong dapat ko gawin di lang para sa sarili ko, kundi para sa mga taong mahal ko at mahal ako para hindi ko sila mabigo at magawang saktan?
                Ilan lang yan sa mga katanungang unti unting nagbabalik sa utak ko. Sa mga pagkakataong ganito, hindi maaaring hindi ko yan itanong sa sarili ko. Ilan lang yan sa mga dahilan kung bakit sa mga ganitong sitwasyon, hindi ko maiwasan hanapin ang sarili ko. Marahil hindi ko pa nga lubusang nakikilala ang tunay na ako. Marahil hindi ko pa nalalaman ang purpose na mga pangyayari ito. Marahil hindi ko pa talaga alam kung ano ang tunay na magpapasaya sa akin. At marahil hindi ko pa natatagpuan ang  mga kasagutan sa mga katanungang yun sa buhay ko.
                Marahil nalalapit na yun, marahil din matagal pa ang pagkakataon na yun. Pero isa lang ang alam ko, ang lahat ng ito ay isang proseso. May mga hakbang akong dapat sundan. May mga daan akong dapat tahakin. May mga pagsubok akong dapat na harapin. At sa kabila ng lahat ng yan, cherish my life ang dapat kong isipin. Mahalin ang sarili at ang iba, maging positibo sa buhay, magkaroon ng mahabang pasensya, humanap ng solusyon sa problema, timbangin ang mga con’s and pro’s, huwag madaliin ang mga bagay-bagay, aralin maging sensitibo sa damdamin ng kapwa, matutong magshare ng blessings sa iba, tanggapin na hindi lahat ng bagay aayon sa sariling kagustuhan, matutong magpatawad at patawarin ang sarili, magsabi ng totoo at huwag linlangin ang sarili, tumawa ng madalas, maging masaya kasama ng iba at mas maging mapalapit sa Maykapal. Ilan lang yan sa mga paraan para isabuhay ang cherish your life na tinatawag. Ilan lang yan sa mga bagay para matagpuan ang soul searching na hinanahanap. At ilan lang yan sa mga maraming paraan para maging magaan ang complexity nitong buhay. Marahil nagiging baduy ako sa paningin niyo, marahil sinasabi nyong masyadong nagiging madrama ako. Pero yun ang totoo, at ito ang tunay na nararamdaman ko.
                Kakain na, tawag ng nanay ko. Alas siyete impunto, oras pagtingin ko sa relo. Akalain mo yun, napasarap ako ng kwento? Kaya ano pang hinihintay ko, kakain na ako at ililigo na lang ang mga kaisipang naglalaro na naman sa utak ko. Kaya sa pagtatapos ng blog na ito, ang tanging bagay na iiwan ko sainyo at paulit-ulit na binabanggit sa Saw ay eto: “Live or die, make your choice. So, let the game begin.”

Comments