Dear Diary, namiss mo ko?

                Ilan araw na ang nakalipas simula ng huling blog ko. Ilan araw na ang nakalipas pero nalulungkot pa din ako pag naaalala kita.  At ilan araw na rin ang nakalipas simula ng huling magkita tayo. Isang linggo to be exact. Ilan araw na nga yun, pero bakit parang pakiramdam ko kanina lang yun?
                Sa paggising mo, ako ba ang unang pumapasok sa utak mo? Pag naiisip mo ba ‘ko, namimiss mo ko? Pag naaalala mo ba ko, nalulungkot ka? Pag may nagtext sayo, iniisip mo ba na sana ako yun sender? Pag may tumatawag sayo, wish mo ba na sana ako yun caller?
                Malamang hindi. Ilan lang yan sa mga bagay na gusto kong itanong sayo. Ilan lang yan sa mga bagay na gusto kong malaman mula sayo. At ilan lang yan sa mga pinagdadaanan ko ngayon na ewan ko kung kahit minsan pinagdadaanan mo din ngayon. Dahil kung ako ang tatanungin mo, walang araw na hindi kita naaalala simula ng magkaganito tayo. Dahil kung ako ang tatanungin mo, walang araw na hindi kita namiss. Dahil kung ako ang tatanungin mo, walang araw na hindi ako nalungkot pag naaalala ka. At dahil kung ako ang tatanungin mo, walang araw na hindi ko hinintay ang mga text at calls mo.
                Oo, namimiss kita. Namimiss ko yun mga biglaang ngiti mo. Namimiss ko yun mga wagas na pagtitig mo. Namimiss ko yun pinagti-tripan mo pati ilong ko. Namimiss ko yun di mabilang na yakap at halik mo. Namimiss ko yun mga pagkakataon na magkatabi lang tayo, naguusap kahit most of the time, ikaw lang naman talaga ang nagsasalita. Namimiss ko yun mga  pangaasar mo, pangungulit mo, pati nga yata amoy mo, namimiss ko. Hay, tama ka. Namimiss ko nga lahat-lahat sayo. At tama ka din sa sinabi mo nun huling magusap tayo, normal lang na pagdaanan ko ‘to. Oh well, ang araw na kinatatakutan ko noon ay dumating na. Ang araw na sinasabi ko lang dati ay ngayon na. Nagbago na lahat, nanlamig ka na. Tapos na tayo, wala ka na. Hindi mo na ko mahal, bumalik ka na sa kanya.
                O, sige sabihin na nga natin normal ‘to. Sabihin na lang natin na kasama ‘to sa pag move on ko. Pero bakit ganun, ang sakit-sakit? Hindi mo lang alam kung gaano ako nasasaktan sa pinapakita mong pagbabago. Hindi mo lang alam kung gaano ako naiiyak sa pagiisip na hindi ka na babalik. Hindi mo lang alam kung gaano ako nalulungkot sa katotohanang alam ko, nagbalik ka na sa tunay na mahal mo.
                “Gaga ka kasi, eh. Sinabi na nga dating wag madaliin. Sinabi na nga dating wag mo munang mahalin. Ayan tuloy, iniwanan ka ulit ngayon.” Sabi yan ng utak ko sa sarili ko pero hindi ko naman ‘to masisi. Tama naman siya, gaga nga ako. “Ano ba naman kasi laban mo sa kanya? Matagal na sila magkakilala, close sila at higit sa lahat, siya ang ideal girl niya. Tumigil ka na anteh, kalimutan mo na lang siya.” Ang hirap naman. Nagpadala kasi ako sa bugso ng damdamin. Nagpadala kasi ako sa sarili kong kagustuhan. Nagpadala ako at hindi nadala, kaya heto, nagiisa na naman ako. Akala ko kasi ikaw na. Akala ko hindi ka mawawala. Akala ko lahat ng sinabi mo paninindigan mo. I guess, lahat ng yun ay isang malaking akala.
                O, sige sabihin na lang natin na tama yun. Sabihin na lang natin na ako ang nagbigay sayo ng dahilan para lumayo. Sabihin na natin na kasalanan ko bakit tayo nauwi sa ganito. Pero bakit ganun, bakit ngayon ka pa sumuko? Bakit ngayon ka pa tumigil? Bakit ngayon pa kung kailan alam ko kaya na kitang ipaglaban? Bakit?
                Isang mahabang katahimikan. Isang matagal na pagtingin sa kawalan. Isang malalim na buntong-hininga. Biglang bigla, nanlabo ang paningin ko. Biglang bigla, tila nanikip ang dibdib ko. Akala ko nahihirapan akong huminga, hindi ko pala namalayan, may luha ng pumapatak sa mga mata ko. Umiiyak na pala ‘ko. Mali, umiiyak na naman pala ulit ako.
                Hindi ko naisip na kung gaano tayo kasaya nagsimula no’n, sa ganito kalungkot tayo matatapos. Hindi ko naisip na kung gaano tayo kabilis naging close no’n, sa ganito kabilis din tayo matitigil ngayon. Hindi ko naisip na kung gaano ka kabilis dumating sa buhay ko, ganoon ka din kabilis mawawala. Hindi ko naisip na sa maikling panahon na nagkasama tayo masasaktan ako ng todo. At lalong hindi ko naisip na sa maikling panahon na yun, mamahalin kita ng ganito.
                Sana kung gaano kabilis ang lahat ng nangyari, ganoon din kabilis ang mag move on. Sana kung gaano kita kabilis minahal, ganoon din kita kabilis makalimutan. Alam ko mahirap, alam ko hindi rin madali. Hindi ko alam kung panandalian lang ‘to, hindi ko rin alam kung forever na. Pero sana kung may pag-asa pa, dumating yun time na maayos na. Kasi habang tumatagal, nararamdaman ko nawawala ka na ng tuluyan. Habang tumatagal, mas nagiging malalim yun sakit sa pakiramdam. At habang tumatagal, napapalayo ka lang sa akin at napapalapit lalo sa kanya.
                Masakit, eh. Naniwala kasi ako, umasa at nagbakasakali. Naniwala akong mahal mo nga ako, umasa akong hindi ka magbabago, at nagbakasakali akong hindi ka susuko. Pero gaya ng gasgas ng salita at paulit ulit ng sinasabi, what is done is done. Kasalanan ko ‘to, ako naglagay sa atin sa ganitong sitwasyon. Marahil, isa na naman ‘tong aral na kailangan kong matutunan. Marahil, isa na naman ‘tong pagsubok na kailangan kong lagpasan. At marahil dapat ko na lang isipin na dumating ka sa buhay ko hindi para magtagal, kundi para maging isang daan lamang upang mas makilala ko ang sarili ko ng lubusan.
                Aaminin ko, nahihirapan ako at mas mahihirapan ako sa mga susunod na araw. Tatanggapin ko na lang siguro na ang lahat ay tapos na kahit sa kabila nito, mayroon tinatawag na “hope” akong inaasahan. Tatanggapin ko na lang siguro na kung saan ka mas magiging masaya pauubaya na lang kita kahit sa kabila nito, may tinatawag na “jealousy” akong nararamdaman. At tatanggapin ko na lang siguro na sa kanya, hindi ka na masasaktan na kagaya nang naramdaman mo sa akin noon kahit na sa kabila nito, may tinatawag na “pain” akong pinagdadaanan. Oh yes, you deserve to be happy and so do I at siguro tatanggapin ko na lang ‘to kahit sa kabila ng lahat ng sinasabi ko ngayon ay ang naghihintay na walang kasiguraduhan.
                Kung mayroon man kasiguraduhan sa pagtatapos ng blog na ‘to, kung mayron man bagay na gusto kong sabihin sayo ngayon, kung mayroon man katotohanan na gusto kong ipagsigawan, kung mayroon man salitang gusto kong bitawan kahit alam kong malabo mong marinig, kahit alam ko hindi ka na babalik at kahit alam ko hindi mo na bibigyan ng pagkakataon yun ay ang pagsasabi ko nang sorry, mahal pa din kita, nasasaktan ako, bumalik ka na at sobrang miss na miss na kita.
                Hay, ikaw kaya, namiss mo ‘ko?

Comments