Naglalaro ako ng Zuma Revenge sa laptop nang biglang tumunog ang phone ko. Rumehistro ang pangalan ng sender, si Panget. At kagaya ng dati, hindi siya nagsasawang kamustahin ako. Okay lang naman, yun lang ang reply ‘ko.
“Malungkot ka ata...” sabi niya.
Hindi man nakakabigla, pero nabigla pa din ako sa sumunod na message niyang yun. Nagtaka ako kung bakit niya nasabi yun sa kabila ng ngayon, hindi ako gaanong nagkwe-kwento sa kanya. Ni hindi ko nga magawa munang mag-open up ulit sa kanya after ng nangyari at sa pinagdadaanan ko ngayon. Bigla ko naisip, ganun ba talaga ko ka-transparent sa kanya? Hindi naman siguro nakakapagtaka yun. Ilan taon na ba kami magkakilala, 19 years? Walang duda.
Simula pagkabata, siya na nakalakihan kong kasa-kasama. Tanda ko pa nga, halos sa bahay na nila ako tumira noon. Sinusundo pa ako nila kuya para lang umuwi ng bahay, kasi kung hindi, malamang sa malamang, maglalaro kami niyan hanggang maghapon.
Tagu-taguan. Bahay-bahayan. Agawan-base. Agawan-bola. Mataya-taya. Tumbang-preso. Takbuhan. 10-20. Yes or No. Ilan lang yan sa mga laro namin nun bata pa kami. Halos lahat pa nga ata ng pwede namin mapaglaruan, ginamit namin. Papel, tubig, lupa, bato, putik, dahon, halos lahat na yata. Naaalala ko pa, minsan hahanapin nila kami pero hindi kami makita. Ayun pala, andun kami sa may tabi ng sapa, nagkwe-kwentuhan. O kaya minsan, nasa may bubong nila kami, kahit di ako marunong umakyat at bumaba, nagmamagaling ako tapos kukuha ng mangga at dun na kami magpapalipas ng oras. Minsan pa nga, inaabot na ‘ko ng gabi sa kanila na akala mo doon na talaga ako nakatira.
Araw-araw ganyan lumilipas ang oras namin bilang bata. Gabi-gabi ganyan natatapos ang isang buong maghapon sa amin bilang paslit. Hanggang lumipas ang limang taon. Pitong taon. Sampung taon. High school na. Nagdadalaga at nagbibinata na daw kami. Medyo busy sa pagaaral, may mga bagong kakilala, may mga tinatawag nang “crush” pero sa kabila noon, kaming dalawa? Ha, magkasama pa din. Minsan nga, tinutukso pa nila kami. Baka sa bandang huli daw, kami din ang magkatuluyan. Reaction namin? Wala, tatawa lang. Pagkatapos nun, balik sa dati. Kwentuhan, asaran, gala, food trip. Mga gawain pang dalaga at pang binata na ang mga ginagawa namin noon. At tuwing bakasyon, hindi pwedeng hindi kami uuwi ng Quezon. Taon-taon, ganun gawain namin. Doon kami magmumuni-muni. Doon kami magbabalik-tanaw. Doon kami sabay mangangarap. At kahit sinasabi nilang binata at dalaga na kami, doon para pa din kaming mga bata na walang iniisip na problema, kundi maging mapanatag.
Lumipas ulit ang mga araw. Nagdaan ulit ang mga buwan. Natapos ang sumunod na isang taon. Nadagdagan pa ng tatlong taon. Kolehiyo. Andun na ang estado namin dalawa. Mas naging busy kami pareho sa pagaaral, mas maraming nakilalang iba’t ibang uri ng tao, at mas nadagdagan ang mga experience na pwede namin pagkwentuhan. Pero sa kabila ng mga yun, nanatili pa din kaming magkaibigan.
At ngayon, matatapos na naman ang karagdagang limang taon. Ilan araw, ilan linggo, ilan buwan tapos na naman ang taong ‘to. Papasok na kami sa labing dalawang taon ng pagkakaibigan namin. Mas busy, mas madalang magkita, at mas madalang magusap. Marami ng nagbago. Physically, emotionally, mentally, socially and even, spiritually. Hindi na kami kagaya ng dati. Marami ng nag-iba. Nagka-boyfriend ako, nagka-girlfriend siya. Nagkaroon na kami ng sari-sariling buhay na hindi kami magkasama. Pero salamat sa cellphone at facebook, dahil sa mga bagay na yun nagagawa namin mag-update sa isa’t isa.
19 years, parang kailan lang yun. 19 years, parang ang tagal na nun. 19 years, pero hanggang ngayon nanatili pa din kaming magkaibigan. Ngayon, sabihin mo sa akin kung nakakapagtaka bang alam niya pag nalulungkot ako. Sabihin mo sa akin kung nakakabigla ba kung bakit kilalang kilala niya ako. Sa loob ng 19 years, alam niya kung anong mga pinagdaanan ko. Alam niya kung kailan ako masaya, kung kailan ako malungkot, kung kailan ako nagmamahal, kung kailan ako nasasaktan, kung kailan ako umiiyak, kung kailan ako natutuwa, kung kailan ako natatakot, at kung kailan ako nagagalit. Lahat na ata ng emosyon ko, alam niya kung kailan ko pinagdadaanan.
Minsan nga naiisip ko, napaka-selfish ko. Selfish in the sense na minsan, nakakalimutan ko siyang kamustahin. Selfish in the sense na minsan, nakakaligtaan ko siyang kausapin. Pero nagiging selfish man ako minsan, kahit kailan hindi ko siya tinalikuran. Magkaroon man kami ng di pagkakaunawaan at unting tampuhan, alam ko hinding-hindi ko siya iiwanan. Ano man ang mangyari, ilan taon man ang lumipas, at kung saan man kami dalhin ng tadhana, alam ko siya lang ang nagiisa kong tunay na kaibigan.
Bigla tumunog ulit ang cellphone ko. “Puro problema iniisip mo, eh solusyon iniisip mo ba?” Gusto kong mainis sa sinabi nya, pero di ko mapigilan mapangiti. Tama naman kasi siya lagi at alam ko naiinis na siya akin. Ganyan ang mga normal namin paguusap. At nakakatuwa lang na sa tagal ng panahon, sa kabila ng maraming pagbabago sa pagitan naming dalawa, hindi niya ko iniwanan at lagi pa din siyang handang makinig sa paulit-ulit kong mga kwentong buhay.
Kaya hindi man kami magkita at magkausap, tumanda man kami at magkalayo, mag-asawa man kami at magkatrabaho at saan man kami dalhin ng tadhana, ang tunay at malalim na pagkakaibigang ito, alam ko at pangako ko, pahahalagahan ko na tulad nang sinabi sa linya ng isang kanta na kahit maputi na ang buhok ko, siya lang nag-iisang “panget” ng buhay ko.
Salamat sayo kaibigan, nagiisa kang tunay at magpakailanman.
Hay naku nabitin ata ako panget!?? muntik muntikan lang tumulo ang luha ko eh haha..
ReplyDeleteAnyway thankful ako at ikaw ang naging Best Friend ko, no need to explain kasi hindi ko rin alam ang explanation eh hahaha... masyado ka lang emosyonal kasi ngayon... sige sorry na kung hindi ako tactful all the time pero gusto ko lang malaman mo at marealize mo ang mga bagay-bagay most especially ang mga mali mong ginagawa or naging desisyon. Alam mo naman panget normal na yung mga sinasabi ko sayo at kung paano kita kausapin. Pero ang mali ko lang, siguro hindi ko lang man naisip na mas sensitive ka ngayon at prangkahan ko pa ring sinasabi yong mga bagay na ayaw mo marinig pero sa kabila nun yun naman talaga ang tama at mas mahihirapan ka lang intindihin kung hindi ko dederetsahin...tama??? Normal na kasi sa buhay naten kung anung meron tayo ngayon o ang pagkakaroon ng problema, pero kung paano natin gagawan ng paraan ang lahat ng yun dun tayo maninibago at mahuhulma kung gaano talaga tayo katatag...
Hay naku pinangalandakan daw bang 20years na tayo. ayan nalaman na nilang wala na more than teens na ang age ko. tse!! bwisit!!haha
Ang panget mo kasi eh!!!